top of page
Writer's pictureUSTSS

Sibuyan Island

Nina: Angelika Suzette Sullano at Erica Tangco | Pebrero 18, 2022

 

Nakikiisa ang UST Sociological Society sa mga mamamayan sa Isla ng Sibuyan na patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang komunidad laban sa mga kompanyang pilit na sinisira ang kanilang likas na yaman. Ang pagmina ng nickel ore ay makasisira – hindi lamang sa kalikasan, ganoon din sa pamumuhay ng mga lokal na naninirahan. Mariing kinokondena ang gawaing ito, lalong lalo na sa mga lugar na umaasa sa ekolohiya at natural na yaman para sa kanilang ikinabubuhay.


Noong Pebrero 3, mapayapang nagprotesta at nagtayo ng barikada ang mga taga-isla upang mapigilan ang pagpasok ng mga trak, ngunit sinalubong sila ng karahasan ng mga kasapi ng Philippine National Police (PNP). Ang paglabag ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa kanilang karapatan ay repleksyon ng kanilang maruming hangarin at pagpapairal ng kapangyarihan laban sa nakararami. Bukod pa rito, marapat lamang na respetuhin ang desisyon ng mga mamamayan ng Sibuyan sa mga aktibidad na tinatanggap nila tungo sa ikauunlad ng kanilang komunidad. Ang pagpoprotekta nila sa likas na yaman ay para rin sa ikabubuti ng susunod na salinlahi.


Bilang pagtugon, nagsalang ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros sa senado upang malutas ang nasabing isyu. Personal niya ring binisita ang komunidad kasama si Chel Diokno, isang human rights lawyer noong Pebrero 9 para alamin ang kanilang kalagayan at makapaglatag ng kongkretong solusyon na inklusibo at makatarungan para sa lahat.


Ang pagmimina ay isa sa pinakamalubhang dahilan ng pagkasira ng ating likas na yaman. Ang pinsala sa kapaligiran ay maaaring magkaroon ng malubhang epekto sa mga miyembro ng komunidad. Ang Sibuyan, bilang isa sa mga pinakamayamang isla sa Pilipinas, ay dapat alagaan at protektahan, kagaya na lamang ng ibang likas na yaman sa ating bansa.




182 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page