top of page
Writer's pictureUSTSS

Indigenous Month

Updated: Jan 9, 2023

By: Coleen Elisabeth Candelario and Fay Carmela Bañarez | October 28, 2022

 

Sa pagdiriwang para sa ika-25 taon ng pagsasabatas ng Republic Act No. 8371 o mas kilala bilang ‘The Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997, nakikiisa ang UST Sociological Society (USTSS) sa mga katutubo at sa kanilang pakikipaglaban para sa mga karapatang pantao at pangkatutubo. Ang USTSS ay nakikiisa at patuloy na titindig kasama ang mga katutubo.


Kinikilala at isinusulong ng Indigenous Peoples’ Rights Act ng 1997 ang mga karapatan ng mga Indigenous Cultural Communities o ang mga katutubong pamayanan. Mula dito, nararapat na protektahan, isulong, at pangalagaan ng estado at ng lipunan ang mga sumusunod:


  • Lupaing ninuno. Nararapat na kilalanin ng mga batas at gawi na nagpapatotoo sa pagmamay-ari ng mga katutubong pamayanan sa kanilang mga lupaing ninuno;

  • Sariling Pagpapasya. Pagkilala sa kanilang pagpapasya na may sariling balangkas at pamamaraan sa pamamahala upang masiguro ang kanilang pangkabuhayan, panlipunan, pang-kultural, at pampulitikal na kalagayan;

  • Walang diskriminasyon. Walang sinuman sa mga katutubo ang dapat makaranas ng diskiriminasyon, anuman ang kanilang kulay, lahi, edad, kasarian, at katayuan sa buhay;

  • Kultural na identidad. Karapatan ng mga katutubo na panatilihin at pagyamanin ang kanilang kultural na identidad habang sila ay patas at pantay na isinasama sa mga batas at programa sa antas lokal, pambansa, at pandaigdig; at

  • Serbisyong panlipunan. Kasama at kalahok sila na mapakinabangan ang mga serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan, at iba pang pangangailangan na nagmumula sa pamahalaan at pribadong mga grupo (IPRA of 1997).


Nararapat lamang na bigyang-halaga, pag-ingatan, at pangalagaan ang mga katutubo na makatutulong para sa kanilang napaunlad na tradisyon, kultura, at pamamahala. Ayon kay Baldwin et. al. (2007), samu’t-saring mga isyu ang kinakaharap ng mga katutubong grupo, kabilang na rito ang diskriminasyon sa kanilang lahi, relihiyon, at lengguwahe.


Sa tulong nang mas pinalawak na sistema ng social media upang magbahagi ng impormasyon, mas mapapagbuti ang paggamit ng ating mga plataporma upang makapagtaguyod ng mga adbokasiya patungkol sa mga lupain at likas na yaman na nasasakupan ng mga katutubo. Mabuti na patatagin ang pagprotekta sa kanilang mga karapatan bilang mga katutubo. Mas pagtibayin ang pundasyon na humuhubog sa kanilang identidad. At ang bawat isa mismo sa atin ay patuloy na magkaroon ng paninindigan sa pag-aalaga sa namumukod-tanging pagkakakilanlan ng mga katutubo.


Sila ang mga pangkat na patuloy na makapagpapanatili ng mga tradisyong bumubuo at nagbibigay-kulay at buhay sa kabuuan ng kasaysayan ng ating bansa. Higit sa lahat, ang kanilang boses ay karapatdapat na marinig para sa pagsusulong at pagsasakatuparan ng mga adhikaing magpapaunlad ng kalagayan ng mga katutubo.


Sanggunian:

Baldwin, C., Chapman, C., & Gray, Z. (2007, May). Minority Rights: The Key to Conflict Prevention. Minority Rights Group International. Minority Rights: The Key to Conflict Prevention

Republic Act No. 8371 (October 1997). https://www.officialgazette.gov.ph/1997/10/29/republic-act-no-8371/


8 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page