By Angelika Suzette Sullano and Anya Taniegra | October 22, 2022
Sa nagdaang Araw ng mga Pesante, inaalala ng UST Sociological Society ang ating mga magsasaka, mangingisda, at mga manggagawang bukid na karapat-dapat pagtuunan ng pansin sapagkat sila ang pangunahing pinagkukunan ng pagkain na siyang inilalagay sa hapag-kainan ng mga Pilipino.
Ngayong Oktubre, Buwan ng mga Pesante, mahalagang bigyang-pansin ang mga tungkulin ng kanilang sektor upang mas lalo pang paigtingin ang mga panawagan na ating isinusulong sa lipunan. Sa kabila ng kanilang pagsisikap at pagtitiyaga, patuloy pa rin silang naghihirap dulot ng mga neo-liberal na polisiya tulad ng Rice Liberalization Law. Ilang dekada na ang nakalipas ngunit ang suporta ng gobyerno para sa mga magsasaka ay hindi sapat. Ang pagkakatali sa mga neo-liberal na polisiya at paghawak ng mga may kapangyarihan sa sistema ng ating agraryo at buong bansa ang siya ring nagtutulak palayo sa ating mga magbubukid upang matamasa ang tunay na agraryo. Hanggang ngayon, biktima pa rin sila sa pananakot at intimidasy
on at kasabay nito ang samu't saring pangmamaliit na natatanggap nila mula sa mga naglalakihang mga korporasyon. Kung susuriing mabuti, ang tunay na reporma sa agraryo ay marapat lamang na umabot sa mga pamayanan na nangangailangan ng suporta, at hindi lang dapat makulong sa mga mababangong salita ng mga pulitiko na patuloy na sinasamantala ang kanilang mga posisyon para lamang sa kanilang mga pansariling interes.
Ang patuloy na pagsasamantala sa ating magsasaka ay repleksyon ng kahinaan ng estado. Pinipili nilang pagsilbihan ang kanilang sariling interes sa halip na protektahan ang mga pesante, isakatuparan ang pamamahagi ng lupa, at magpapaunlad ng ekonomiya natin na walang panghihimasok ng mga dayuhan. Pilit din nilang pinapatahimik ang mga pesante sa pamamagitan ng dahas kahit na mapayapa silang nanghihingi ng ayuda mula sa gobyerno. Makikita rito na hangga’t maaari, mas gugustuhin pa nilang kaligtaan ang panawagan at hinaing ng mga manggagawang bukid.
Bilang mga Tomasino, gamitin natin ang ating mga kaalaman at tinig upang maging kritikal sa mga isyung nakapaloob sa pagsusulong ng pantay na karapatan para sa lahat. Mahalaga ito upang mas lalo pang mahubog ang ating mga sarili tungo sa mas progresibong lipunan na ating pinapangarap.
Comments