top of page
Writer's pictureUSTSS

Bonifacio Day

By: Katherine Aliah Garcia and Alyssa Jane Directo | November 30, 2022

 

NAGKAKAISANG PAHAYAG NG MGA ORGANISASYON SA PAGSALUBONG SA KAPANGANAKAN NI GAT ANDRES BONIFACIO


Ganap na idineklara ng dating Pangulo Manuel L. Quezon noong ika-30 ng Nobyembre taong 1938 ang Araw ni Bonifacio upang taon-taong ipagdiwang ang pagpupunyagi sa idineklarang Ama ng Rebolusyon. Ang pag-ibig sa tinubuang lupa ng ating Supremo ay hindi matatawaran ng kahit ano pa mang halaga kung kaya’t patuloy nating kinikilala ang kabayanihang kanyang ipinamalas upang makamit ang pambansang kamalayan na pilit kinokontrol ng mga mananakop.


Kasabay nito ay ginugunita rin natin ang kolektibong pakikiisa ng sambayanang Pilipino, na kagaya ni Bonifacio, ay buo rin ang loob sa pakikibaka sa pambansang antas laban sa pang-aapi, karahasan, pananakot, at pasismo na pinangingibabawan ng mapang-abusong istruktura. Kabilang na sa ating kinikilala ay ang hanay ng mga manggagawa na bagama’t biktima ng mapang-aping sistema sa kasalukuyang panahon ay walang takot na kumikilos upang maisaboses ang kanilang hinaing ukol sa kawalan ng mga karapatan.


Ngayong ika-159 na Araw ni Bonifacio, bitbit namin ang panawagan na wakasan ang kulturang mapagsamantala sa pamamagitan ng pagsulong ng mga adhikain na nakasentro sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino tulad ng mithiin ni Bonifacio. Bilang mag-aaral ay nakikiisa kami sa pagkondena sa sunod-sunod na pag-atake sa karapatan ng mga sektor na dapat ay nakatatamasa ng kaunlaran.


Ang mga gaya ni Bonifacio na nagtataglay ng kadakilaan ay nagsisilbing paalala at inspirasyon sa atin na patuloy ang pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga mamamayan hanggang sa maitaguyod ang isang lipunang malaya. Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga sama-samang pagkilos sapagkat ang kanilang pangkabuuang kilusan ay naging bahagi sa pagkamit ng ating hinahangad na kalayaan. Nawa’y ang labis na pagmamahal sa Pilipinas ay patuloy na maging gabay sa pagsandig sa taong bayan tungo sa isang demokratikong bansa.


Isulong ang maka-Sosyolohiyang paglilingkod, pakikiisa, at pakikibaka!



Sanggunian:

Statement: President Quezon on Celebration of Bonifacio Day, November 30, 1938 | GOVPH. (1938, November 30). Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/1938/11/30/statement-president-quezon-on-celebration-of-bonifacio-day-november-30-1938/


19 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page