top of page
Writer's pictureUSTSS

Wikang Filipino sa Lipunang Makabago

Nakatala na sa kasaysayan na bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop na Espanyol sa Pilipinas ay mayroon nang maliliit na lipunang bumubuo sa sangkapuluan. Hindi maikakaila na isa ang Pilipinas sa may mga sinaunang sibilisasyon na umusbong sa Timog-Silangang Asya dahil na rin sa mga pang-arkeolohikang pananaliksik. Sa kabilang dako, sinasabing ang mga sinaunang lipunang ito ay may sariling paraan ng pamamahala, kabuhayan, makulay na kultura, hitik na paniniwala at sistema ng edukasyon.


Alibata at baybayin ang sinaunang alpabeto ng mga Pilipino na siyang naging batayan ng kanilang pang-araw-araw na komunikasyon. Kalimitang iniuukit sa bato, isinusulat sa dahon at iginuguhit sa lupa ang paraan ng pagtala ng ating mga ninuno. Sa katunayan, dahil sa pagpapalawig at pagpapaunlad ng sistema ng pag-sulat at pagbasa ng mga sinaunang Pilipino, naging mabisang sangkap at matibay na pundasyon ito upang tamasain ng kasalukuyang lipunan ang mayamang wikang talaga namang pinanday ng panahon.


Sa pagpapatuloy, masasabing yaman ng isang bansa ang wika sapagkat isa itong tali na nagdurugtong sa bawat layunin at isang tulay na nagkokonekta sa bawat mamamayan na siyang tunay na ugat ng pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa. Sa kabilang dako, dahil sa mga posibilidad na nakaatang sa wika, pinasinayaan at pinagtuunan ng pansin ng dating pangulong Manuel L. Quezon ang pagpapaunlad sa Wikang Filipino. Isinalig sa konstitusyon ang pagpapayabong at pagpapalaganap ng Wikang Filipino bilang pangunahing midyum ng komunikasyon at talastasan sa buong kapuluan. Dahil sa pangyayaring ito, nagbukas ang maraming oportunidad na siyang naging daan upang maging batayan ang Wikang Filipino sa larang ng pagsasalin at paglikha ng masining na pagpapahayag.


Sa kasalukuyan, habang mabilis na umiinog ang daigdig ay patuloy din sa pagyabong ang Wikang Filipino. Hindi maitatanggi na sa kabila ng pabago-bagong panahon at pag-usbong ng mga makabagong salita ay patuloy sa pag-angkop ang ating wika. Mula sa papaunlad na papaunlad na kakayahan ng mga tao hanggang sa pagtaas ng antas ng agham at teknolohiya, ang Wikang Filipino ay patuloy na sumasabay sa pag-indayog at pagharap sa makabagong lipunan.


Isang pagpupugay para sa Kagawaran ng Wikang Filipino (KWF) sa patuloy nitong pagsusulong ng mga programa at gawain para sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino. Ideneklara ng kagawaran ang temang Wikang Filipino: Wika ng Saliksik para sa buwan ng agosto upang gunitain ang papel at tungkulin ng wika sa larang ng agham at teknolohiya.

Hindi maitatanggi na sakabila ng pag-usbong ng mga makabagong kagamitan at paglulunsad ng makabagong ideya, isa ang wika sa lundayan ng kaalaman at ugat ng karunungan upang maging isang batayan partikular na sa larangan ng pananaliksik. Isang pagkakataon ito, upang maitampok ang Wikang Filipino sa pagpapalawig ng pag-aaral sa iba’t ibang larangan. Isa rin itong hudyat na ang Wikang Filipino ay maaaring maging daan at susi sa napakaraming imbensyon at kaalaman na maibabahagi sa mundo. Tunay na magiging pundasyon ang Wikang Filipino sa napakaraming pagbabago at magiging bahagi ng kaunlarang inaasam-asam ng bawat Pilipino.


Ang Wikang Filipino ay tanda ng matibay na tali na nagbibigkis sa bawat Pilipino. Isang pintong bukas sa kaunlaran para sa makabagong lipunan. Tunay na sandalan hindi lamang ng kapuluan kundi ng iba’t ibang larangan na talaga namang makatutulong sa pagsulong ng bayan. Ang Wikang Filipino sa lipunang makabago ay isang patunay, na ang pamana ng kahapon ay susi ng kaunlaran ng sa ngayon.

 

Ni Carlo Basilio Lorenzo

3,965 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page