February 4, 2019
Isang gabi, pagkatapos ng iyong klase, pagod na pagod ka at nagmamadaling maglakad palabas ng Dapitan. Hindi ka na makapaghintay makauwi at humiga sa iyong napakalambot na kama. Naglalakad ka na nang maisipan mong bumili ng milk tea para naman kahit papaano ay maibsan ang iyong pagod at naisip mo na, “Sa wakas! makakainom na rin ako ng milk tea!”, nang biglang may batang lumapit sa iyo at tila hinihingi ang inumin mo. Ngunit kakabili mo lang kaya’t sinabi mo sa kanya, “Pasensya na bata, nauuhaw din kasi ako eh”. Makailang Segundo ang lumipas at umalis na ang bata sa harapan mo at patuloy ka nang naglakad papunta sa sakayan ng dyip. Napansin mo na marami pa lang mga bata ang namamalimos, may mga bata na pilit nagmamakaaawa sa mga estudyante para sa natirang pagkain. Napaisip ka kung bakit nga ba mayroong mga bata na nasa daan at nanlilimos. Nang makauwi ka sa iyong tahanan, ang bumungad agad sa iyo ay ang balita na tungkol sa pagpapababa ng edad ng criminal liability. Agad mong naalala ang mga mukha ng mga bata na nakita mo sa Dapitan na namamalimos at nanghihingi ng pagkain. Nag-aalala ka para sa kalagayan ng mga bata dahil alam mo sa iyong sarili na sila ang numero unong maapektuhan ng batas na ito at tila ba ay naalala mo ang isang linya mula sa librong Dekada ’70 na isinulat ni Lualhati Bautista patungkol sa mga patayan at krimen na umuusbong sa ating lipunan, “Hindi nila naiisip na habang nagpapatuloy ang kalagayan ng bayan natin, patuloy tayong mag-aanak ng kriminal”. Tila ipinaliwanag ng linyang ito na ang bulok na lipunan na mayroon ang ating bansa magpasahanggang ngayon ang siyang numero unong dahilan kung bakit maraming kabataan ang walang sapat na pangtustos para matugunan ang kanilang mga pangangailangan kaya’t kung minsan ay hindi nila maiwasan na makagawa ng krimen kahit ito ay ikapapahamak nila para lamang magkaroon ng laman ang kanilang mga sikmura.
Ano nga ba ang mga dahilan kung bakit maraming bata ang sangkot sa krimen? Tama ba na ipasabatas ito at talaga bang malulutas nito ang mga anti-sosyal na gawain na nilalahukan ng mga kabataan? Sa aking palagay ay hindi ang pagkulong o paghuli sa mga kabataang sangkot sa krimen ang solusyon para maibsan ang mas lalong dumaraming mga sindikato at mga kaso ng pagnanakaw, pagpatay at iba pang marahas na krimen. Ang pagpapababa sa edad ng criminal liability ay isa lamang maituturing na pantapal o pantakip sa mga problemang kasalukuyang kinahaharap ng ating bansa, na kung saan habang dinadahas ang mga mahihirap sa Oplan Tokhang at ngayon naman ang pag-target sa mga batang may edad na labing dalawang taong gulang sa pamamagitan ng pagkulong sa kanila sa loob ng mga malalamig na rehas kapag sila ay gumawa ng krimen, habang ang mga naghaharing uri ay nagpapakasasa sa kanilang yaman at ang mga big-time na magnanakaw ay malayang nakakatakbo sa eleksyon. Iyon ba ang kapalit ng kapayapaan na gusto nating makamit? Ang pagkamatay ng nakararami dahil lamang sa mahirap sila? Dapat ugatin kung bakit nga ba maraming kabataan ang napipilitang kumapit sa patalim. Bakit nga ba mayroong mga kabataan na sa murang edad ay nagbebenta ng katawan, namamalimos at nagiging biktima at alipin ng mga sindikato para lamang may makain at masuportahan ang pamilya? Hindi kasi binibigyang pansin ang mga serbisyong sosyal dito sa Pilipinas kagaya na lamang ng edukasyon na nananatiling kolonyal, komersyalisado at pasista at nananatiling iilan lamang ang mayroong kakayahan na makapagtapos ng pag- aaral dahil sa pagtaas ng mga bayarin. Paano nga ba maeenganyo ang mga kabataan na pumasok sa eskwelahan kung napakataas ng matrikula? Kahit sa mga pampublikong paaralan hindi pa rin lubusang libre ang pag-aaral dahil sa ‘other school fees’ kagaya na lamang ng uniporme at mga kagamitang kailangan katulad ng mga libro, lapis, papel at iba pa.
Edukasyon: Kolonyal at Mapang-api sa Sariling Atin.
“Ang kolonyal na edukasyon mismo ang bumubobo sa inyo!”, mga salita na sinabi ng aming guro at napaisip ako kung paano nga ba naging kolonyal ang edukasyon dito sa Pilipinas. Oo nga pala, kolonyal ang edukasyon dito sa Pilipinas, dahil unang tapak pa lang natin sa eskwelahan noong tayo ay nursery ay “A for apple” na kaagad ang itinuro sa atin at halos lahat ng subjek ay nasa wikang Ingles kagaya ng Matematika, Agham at Kasaysayan kaya’t habang tayo ay lumalaki, nasanay na tayo sa paggamit ng wikang Ingles. Madalas pa nga ang mga guro pa natin ang pumipilit sa atin na magsalita o magsulat gamit ang wikang Ingles at sa kanilang katwiran, mas tunog ‘matalino’ raw kasi ‘pag Ingles ang ginagamit. Sa social media naman, kapag mayroong nagkamali ng ispeling o english grammar sa kanyang status sa Facebook o kaya tweet sa twitter ay agad-agad siyang kukutsain, lalaitin at ang malala pa ay tatawaging ‘bobo’ o ‘mangmang’ dahil lamang sa isang simpleng pagkakamali sa lengwaheng pinuri at ginawang Diyos ng marami. Ganito na lamang natin pinapahalagahan ang paggamit ng wikang Ingles na para bang ito ang ating orihinal na lenggwahe.
Ayon sa kasaysayan, ang Thomasites o mga Amerikanong sundalo ang naging mga una nating guro at sa murang edad ng ating mga ninuno ay napilitan silang yakapin at tangkilikin ang mga ideya ng mga Amerikano. Samantala, ang pag-aaklas naman laban sa mga dayuhan ay unti-unting nabawasan dahil sa pagtanggal ng diwang palaban, gamit ang Americanized Education at kung titignan, hindi lamang tayo sa lenggwahe na-impluwensyahan, pati na rin sa ating kultura o gawi ng pamumuhay. Ang kanilang impluwensya ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon kahit tayo ay “nakalaya” na mula sa pananakop ng Imperyalistang Amerika.
K to 12, Pahirap sa mga Pilipino
Noong taong 2015, naipatupad dito sa Pilipinas ang K to 12 program na kung saan nagdagdag ng dalawa pang taon sa hayskul. Ano nga ba ang dahilan kung bakit ipinatupad ang K to 12 ng nakaraang administrasyon? Ipinangako ng rehimeng Aquino na ang K to 12 ang sagot sa kahirapan dito sa Pilipinas dahil ito raw ang magbibigay ng iba’t ibang trabaho at oportunidad sa mga estudyante pagkatapos ng anim na taon ng hayskul. Ngunit sa kabila ng kakulangan sa badyet sa sektor ng edukasyon ay ipinagpilitan pa ring ipinatupad ang K to 12 program dito sa Pilipinas. Bago pa man ang K to 12 program, bulok na ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas dahil hindi binibigyang pansin ng pamahalaan ang kahalagahan ng paglaan ng badyet dito. Nandiyan ang kakulangan sa klasrum, guro, mga libro at iba pang mga pasilidad na kailangan ng mga estudyante na hindi natugunan at mas lalo pang lumala noong nagkaroon ng bagong kurikulum. Ang pagdadag ng dalawang taon sa hayskul ay lalo lamang nakapagpahirap sa mga magulang at mga estudyante, dahil nandiyan ang pagtaas ng matrikula taun-taon at ng iba pang mga bayarin. Ang mga pribadong paaralan lamang ang may kakayahan na sumunod at magpatupad ng Senior High School (SHS) dahil ang mga pampublikong paaralan ay wala pang sapat na badyet upang maipataupad ang K to 12, kung kaya’t maraming estudyante ang napilitan mag-enrol at lumipat sa pribadong paaralan para lamang makapagpatuloy sa Senior High School. Ang layunin lamang ng K to 12 ay lumikha ng mga murang lakas-paggawa na kailangan sa ibang bayan. Ito ay nakatuon sa mga teknikal at mga bokasyunal na mga kurso, na siyang nabibili at hinahanap sa ibang bayan at pinapasahuran ng mababang halaga at halata namang hindi inugat ng pamahalaan kung ano nga ba ang mga dahilan kung bakit nananatiling bulok ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas.
Wikang Tagalog, hindi na binibigyang halaga
Kamakailan lang din ay naging maingay ang usapin tungkol sa pagtanggal ng Filipino subjek at pagpapalalit ng Korean language pagdating sa kolehiyo. Ang pagtanggal ng subjek na ito ay patunay lamang na mas pinapahalagahan ng estado ang pag-aaral ng mga banyagang wika at kultura upang ma-enganyo ang mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa. Ginagawang ‘marketable’ sa ating mga mata ang iba’t ibang kultura kung kaya’t naglilikha ito ng pagkahiwalay natin mismo sa ating sariling kultura at pinanggalingan. Inaalok sa atin ang ‘karangyaang’ pwede nating matamasa kung tayo ay magtratrabaho sa ibang bansa.
Edukasyon: Makabayan, Siyentipiko at Makamasa
Komeryalisado ang edukasyon—dahil sa mataas na matrikula kaunti lamang ay mayroong kakayahan na makapagtapos ng pag-aaral. Nandiyan ang halos taung-taong pagtaas ng matrikula sa mga pribadong paaralan. Kamakailan lang din ay naging maingay ang usapin tungkol sa pagbabawas ng badyet sa sektor ng edukasyon na ikinabahala at patuloy na ikinababahala ng marami dahil maraming pa ring mga kabataan lalo na sa pampublikong paaralan ang maapektuhan nito. Dahil na rin sa mala-negosyong pagpapatakbo sa edukasyon, mas inuuna pa ng mga eskwelahan ang kanilang kikitain at mistulang walang sawa nilang pinagkakakitaan ang mga estudyante at ang mga magulang dahil sa mga iba’t ibang bayarin na kanilang sinisingil.
Sa kabila pa ng pagiging kolonyal at komersyalisado, pasista rin ang edukasyon. Nandiyan ang mga kaso ng power- tripping, pagmamanipula at pagpapanatiling pyudal na relasyon sa pagitan ng estudyante, guro at admin. Hindi hinahayaan ang mga estudyante na maghayag ng saloobin, magbigay ng opinyon sa mga isyung panlipunan o kaya’t sumama sa mga protesta para ipaglaban ang karapatan ng masang api. Ginagawang sunud- sunuran ang mga estudyante na parang mga robot na walang sariling identitad. Sa ganitong sistema ng edukasyon, lumilikha ito ng takot at dahil dito, madalas na walang kibo ang mga estudyante kahit harap-harapan ng inaabuso at tinatapakan ang kanilang karapatan. Ang edukasyon ang dapat nagtuturo sa atin para makapag-isip, makapagdesisyon at makatayo para sa ating mga sarili, hindi dapat ito idinidikta o kinokontrol. Maraming mga estudyante ang naapektuhan ang sariling mentalidad at kalusugan dahil sa hindi makataong sistema ng edukasyon. Patunay na hindi lamang sa trabaho nangyayari ang pang-aapi at pang-aabuso kundi pati na rin mismo sa mga eskwelahan na dapat siyang daan sa ating pagkamulat at pagkalaya. Hahayaan na lamang ba nating manatiling kolonyal, komersyalisado at pasista ang sistema ng edukasyon?
Pilit na ipinapasok sa ating kaisipan ang konsepto ng indibiduwalismo, na kung saan ang dahilan lamang ng ating pag-aaral ay para makapagtapos, makapagtrabaho at yumaman. Noong Bakwit School, narinig natin mismo sa mga kapatid nating Lumad ang mga dahilan kung bakit sa kabila ng pandadahas ng estado sa kanila ay patuloy pa rin silang lumalaban at nagsusumikap para makapagtapos ng pag-aaral. Naalala ko ang sinabi ng isang estudyanteng Lumad noon, “Kaming mga Lumad, nag-aaral kami hindi para yumaman o mag-abroad, kundi para tulungan ang mga kapwa naming Lumad”, at kung titignan natin, ibang-iba ang oryentasyon at pagpapahalaga nila sa edukasyon, dahil para sa kanila mahalaga ang edukasyon upang makatulong at makapagbigay serbisyo sa kanilang komunidad at kapwa mga Lumad. Pilit na naiimpluwensyahan ang ating mga kaisipan na nag-aaral tayo para lamang sa ating mga pansariling interes at mithiin, ngunit hindi natin masisisi ang ating mga sarili dahil pare-parehas lamang tayong biktima at patuloy na hinuhubog ng nabubulok na sistema ng edukasyon. Hindi pa naman huli ang lahat para baguhin at palitan ang kasalukuyang sistema ng edukasyon, kaya bilang mga estudyante ipaglaban at isulong natin ang MAKABAYAN, SIYENTIPIKO at MAKAMASANG EDUKASYON. Sa ganitong tipo lamang ng edukasyon natin makakamtam ang tunay na makataong edukasyon na mapagpalaya, magmumulat at magpapaintindi sa ating sariling lipunang ginagalawan. Hindi kolonyal, hindi komersyalisado at hindi pasista. Edukasyon na hindi para sa dayuhan, kundi edukasyon na para sa mga Pilipino.
Isulong ang Isang Makabayan, Siyentipiko, Makamasang Edukasyon! Serbisyo sa tao, wag gawing negosyo! Education not for sale, we are not for sale!
“Education is a vital weapon of a people striving for economic emancipation, political independence and cultural renaissance...Philippine education therefore must produce Filipinos who are aware of their country's problems, who understand the basic solution to these problems, and who care enough to have courage to work and sacrifice for their country's salvation” (Constantino, 1959).
Comments